Pinaiimbestigahan ng isang mambabatas ang nakaka-alarmang pagguho ng konkretong poste sa construction site ng MRT-7 sa bahagi ng West Avenue, Quezon City.
Sa resolusyon na inihain ni House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera, plano nitong magkasa ng malalim na pagsisiyasat upang tukuyin ang pananagutan, i-assess ang banta sa seguridad at palakasin ang government oversight sa transportation infrastructure projects.
Ayon sa Mambabatas, ang inihaing resolusyon ay hindi lamang tungkol sa palpak na konstruksyon kundi usapin din sa tiwala ng publiko lalo’t libu-libong pilipino ang nanganganib sa pagguho ng concrete column sa isang major transport project site.
Ipinunto ng Kongresista na hindi maaaring pabayaan na lamang ang insidente dahil sa kuwestyonableng kalidad ng konstruksyon at safety standards na sinusunod sa isa sa flagship infrastructure programs ng pamahalaan.
Dapat matukoy aniya kung saan nagkulang ang namamahala sa nasabing konstruksiyon kabilang na ang disenyo at materyales na ginamit hanggang sa aktwal na worksite practices, government inspections at kung sino ang nag-apruba at nabigong mag-monitor. —ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)