Masayang ibinida ng Pangulong Benigno Aquino III ang mga bunga ng kanyang pagdalo sa ASEAN Summit na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa kanyang pagdating sa bansa kaninang madaling araw ay ibinalita nito ang inilunsad na ASEAN community ng mga dialogue partners na siyang direksyong tatahakin ng rehiyon sa susunod na taon.
Sinabi ng Pangulo na sasakupin nito ang mga aspetong panseguridad, ekonomiya at panlipunan.
Dahil dito, ipinagmalaki ng Pangulo na mas iigting at lalawak pa ang ugnayan ng Pilipinas sa tinatawag na functional cooperation at mas magiging agaran din ang pagtulong sa mga panahon ng sakuna, terorismo, human trafficking at iba pa.
Binigyang diin ng Pangulo na ang pagkakaisa at pagtutulungan ang susi upang masigurong walang maiiwan sa rehiyong Asya.
By Ralph Obina