Iniatras na ng buntis na biktima umano ng panggagahasa ng apat na pulis sa Meycauayan, Bulacan ang kanyang reklamo laban sa mga ito.
Sa isang press briefing sa Bulacan Police Provincial Office sa Camp Alejo Santos, Malolos, nakatanggap ang PNP ng text mula sa 29 taong gulang na nanay na nagsasabing hindi na nito itutuloy ang reklamo laban sa tatlo.
Hindi na umano lalaban ang biktimang itinago sa alyas na Dolores dahil wala siyang lakas ng loob na naubos na rin dahil sa kahihiyan sa halip ay kanya na lamang ipagpapasa-diyos ang kanyang sinapit.
Hiniling din ni “Dolores” na pakawalan na lamang ang tatlong pulis na kanyang inakusahang nangghasa sa kanya.
Samantala, nilinaw ni Bulacan Internal Affairs Service Provincial Director, Atty. Cristina Alcantara na magpapatuloy ang imbestigasyon kahit walang formal complaint ang biktima.
Dela Rosa, tiniyak na walang magaganap na ‘white wash’ sa imbestigasyon
Tiniyak ni PNP Chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na hindi magkakaroon ng ‘white wash’ sa kaso ng mga pulis na inakusahang nanggahasa ng isang buntis sa Meycauayan City, Bulacan.
Sa isang press briefing sa Camp Alejo Santos, Malolos City, iginiit ni Dela Rosa na hindi niya kukunsintihin ang kalokohan ng ilang pulis.
Hinimok naman ng heneral ang biktima o kahit ang mga posibleng ma-biktima ng mga abusadong pulis na huwag matakot magsumbong.
Regardless kung ano ka man, at kung sino ka man. Kahit pa na umamin ka na ikaw ay self-confessed pusher, wala akong pakialam. I’m after with the conduct of my men. Kung ni-rape ka, hindi ko talaga i-totolerate ‘yan. I have already given instructions sa IAS to take over the case. Pahayag ni Dela Rosa
Sinermunan at binantaan naman ni Bato ang mga inaakusahang pulis maging ang kanilang team leader at hepe.
I’ve been making this clear, kayong limang [inaakusahang pulis], kapag ito ay totoo na nangyari… huwag na kayong mag-antay ng Semana Santa, ipapako ko kayo sa krus. Pero kapag ito naman ay hindi totoo, ako ang unang tutulong sa inyo at hindi ko kayo pababayaan. Paliwanag ni Dela Rosa