Buong pamilya ni COMELEC o Commission on Elections Chairman Andy Bautista ang handang humarap sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation o NBI at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Martin Bautista na kaya niyang patunayan na napalago ng kapatid na si Andy sa 1.7 million dollars ang kanilang investments dahil hawak pa nya ang mga bank books at mga expired certificates.
Ayon kay Dr. Bautista, nagsanib sila ng investment ng kapatid noong 1990s at lumago ito ng hanggang 1.7 million dollars bago pa man pinakasalan ni Chairman Bautista si Patricia.
Gayunman, aminado si Dr. Bautista na sa ngayon ay hindi niya matukoy ng eksakto kung magkano na ang halaga ng kanilang family investment dahil ninakaw ng kanyang hipag ang kanilang passbooks at iba pang pertinenteng dokumento.
Una rito, inakusahan ni Patricia ang asawang si Chairman Bautista ng pagkamal ng illegal na yaman.
By Len Aguirre