Posibleng maisailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang buong bansa sa buwan ng Agosto.
Gayunman, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ganap lamang itong mangyayari kung makikipagtulungan at susunod ang lahat ng mga Filipino sa ipinatutupad na mga patakaran ng pamahalaan kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Roque, umaasa ang pamahalaan na bago ang itinakdang petsa para sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24 ay nasa GCQ na ang lahat ng lugar sa buong bansa.
Tiniyak naman ni Roque na hindi ilalagay ng pamahalaan sa panganib ang mga kabataan.
Aniya, kung kinakailangang hindi na muna buksan ang klase ngayong taon dahil sa tumaas na kaso o pagkakaroon ng second wave sa COVID-19 ay kanilang gagawin.