Patungo na umano ang China sa aktuwal na pagkontrol sa South China Sea.
Ayon kay US Admiral Harry Harris, malinaw sa mga ginagawa militarisasyon ng China ang plano nilang de facto control sa South China Sea.
Nagbabala si Harris na kayang baguhin ng China ang operational landscape sa South China Sea kapag nagpatuloy sila sa paglikha ng air bases sa mga nire-reclaim nilang isla at paglalagay ng radar at missile defense systems.
Political provocation
Inakusahan naman ng China ang Pilipinas ng “political provocation” sa isyu ng West Philippines Sea.
Ayon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, iresponsable ang paglalapit ng Pilipinas sa International Tribunal sa The Hague ng usapin sa West Philippine Sea.
Iginiit din ni Wang na ang paglalagay ng China ng military facilities sa pinag-aagawang teritoryo ay upang matiyak ang kanilang kaligtasan lalo na at nag-deploy na ng mga sundalo ang iba pang claimants sa mga isla malapit sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Wang na nais din ng China nagtayo ng weather stations at emergency harbors sa isla upang makatulong sa mga naglalayag.
By Len Aguirre | Katrina Valle