Aminado ang Bureau of Customs na hindi na-detect ng kanilang mga X-ray machine ang mga ipinuslit umanong shabu sa loob ng mga magnetic lifter kung nakabalot o nakatago ang mga ito sa aluminum foil at plastic.
Ito ang inihayag ni Atty. Zsae Carrie De Guzman, X-ray Inspection Project Head ng BOC, sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs kaugnay sa lumusot umanong 6.8 billion peso shabu shipment sa Aduwana.
Ayon kay De Guzman, agad nilang ni-retrieve ang mga x-ray image nang matanggap ang ulat na narekober ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga magnetic lifter sa Cavite.
Sa pagtatanong ni ACT teachers partylist Rep. Antonio Tinio kay De Guzman, inamin din nito na sa katunayan ay kumonsulta sila sa isang x-ray technical expert.
“Considering na yung packaging kasi nung shabu was made in a brick-liked position wrapped in a foil. Then wrapped again with a zip lock stuck inside that lifter. Our question was to the expert, if that pass through the X-ray, will our X-ray machine will be able to detect it? The answer is No because of our machine.” Ani De Guzman.
Pangulong Duterte hindi kumbinsidong nakalusot sa Bureau of Customs ang 6.8 billion pesos na halaga ng shabu
Hindi kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency sa nakalusot sa Bureau of Customs ang nasa pitong bilyong pisong halaga ng shabu mula sa Taiwan at China.
Sa kanyang pagharap sa mga negosyante sa launching ng “Pilipinas Angat Lahat” program sa Malakanyang, inihayag ng pangulo na ispekulasyon lamang ang ulat na naglalaman ng tone-toneledang shabu ang mga magnetic lifter na narekober sa General Mariano Alvarez, Cavite.
Ayon kay Pangulong Duterte, inakala lamang ng pdea na naglalaman ng mga iligal na droga ang mga magnetic lifter subalit wala naman talagang laman ang mga ito.
Wala na anyang mga shabu laboratory sa bansa dahil batid ng mga sindikato na mamamatay sila sa sandaling magpakalat sila ng mga iligal na droga sa bansa.