Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagbansag sa BOC o Bureau of Customs bilang ahensyang tadtad ng katiwalian gayundin sa mga sangkot dito bilang kanser ng lipunan.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa harap na rin ng kontrobersiya sa pagpupuslit ng mahigit P6-B shabu na nagmula sa China.
Binigyang diin ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa Southern Philippines Medical Center Cancer Intitute sa Davao City na ang mga gumagawa ng katiwalian ang siyang tunay na cancer ng bansa.
Kaya aniya siya nagtalaga ng mga dating militar sa ADUANA partikular na ang grupo ni Nicanor Faeldon ay dahil sa sila ang nagsusulong ng reporma sa pamahalaan.
Malaking pera ang nawawala sa gobyerno dahil sa kurapsyon sa BOC – PRRD
Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na nalulungkot siya sa pagkaka-kaladkad ng pangalan ng kaniyang panganay na anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Kaugnay ito sa kontrobersiyang kinahaharap ngayon ng Bureau of Customs makaraang makalusot ang mahigit anim na bilyong pisong halaga ng shabu mula China.
Muling binigyang diin ng Pangulo na bababa siya sa puwesto sakaling hindi niya kayaning malutas ang problema ng katiwalian sa pamahalaan at kung mapatutunayang sangkot ang kaniyang pamilya sa bagay na labis niyang inaayawan.
Malaki aniya ang nawawalang pera sa pamahalaan dahil sa mga tiwaling opisyal ng customs dahil sa napupunta lamang sa bulsa ng iilan ang buwis na dapat sana’y sa kapakinabangan ng taumbayan.