Binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang burol ni Joanna Demafelis, ang Pinay overseas worker na natagpuang nakasilid ang bangkay sa freezer ng kaniyang amo sa Kuwait.
Personal na kinausap ng Pangulo at binigyan ng tulong ang mga magulang ni Joanna sa kanilang tahanan sa barangay Feraris sa bayan ng Sarah, lalawigan ng Iloilo kung saan nakaburol ang Pinay OFW.
Ayon sa Pangulo, bagama’t patuloy pang tinutugis ang dalawang amo ni Joanna, makabubuti muna sa ngayon na hintayin ang magiging resulta ng imbestigasyon bago gumawa ng aksiyon ang Pilipinas.
Habang kausap ng Pangulo ang mga magulang ni Joanna, ipinangako nito na ipalalasap din niya sa mga Arabong miyembro ng ISIS o Islamic State ang dinanas ni Joanna.
Pagtitiyak pa ng Pangulo, gagawin niyang pataba sa mga isda ang mga Arabong ISIS sa sandaling mahuli ito sa Pilipinas upang makabawi sa sinapit ng lahat ng mga manggagawang Pilipino sa Middle East.
Kasunod nito, pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang pagdedeklara ng deployment ban sa mga bansa sa Gitnang Silangan na may mataas na insidente ng pang-aabuso sa mga Pilipino.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jopel Pelenio
Posted by: Robert Eugenio