Kinasuhan na ang driver at kundoktor ng isang bus ng MMBC o Metro Manila Bus Company na nambugbog ng traffic enforcer ng MMDA o Metropolitan Manila Development Authority matapos siyang sitahin dahil sa paglabag sa batas trapiko.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, maliban sa kaso laban sa driver na si Eddie Magangcong Jr. at Kim Lester Padilla, ipasisilip rin niya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang prangkisa ng MMBC at training na ibinibigay ng mga ito sa kanilang mga driver at kundoktor.
Napag-alaman kay Lim na isinailalim na sa CT scan ang MMDA traffic enforcer Roberto Supan matapos magtamo ng mga sugat sa ulo samantalang nagamot na ang mga tinamong sugat nina MMDA constables Rodel Abanil at Francisco Apostol.
Uminit di umano ang ulo ng bus driver makaraang hindi pagbigyan ni Supan ang pakiusap nila na huwag na silang tiketan dahil matatanda ang ibinaba nila sa no loading and unloading zone.
“Ang sinasabi ko naman sa mga tao natin basta kung sila’y nasa tama ay all out ang suporta natin sa kanila, on the other hand kapag sila ang nasa maling lugar naman ay hindi natin kukunsintihin, pag-uusapan namin yan dahil tama, ang traffic enforcers natin araw-araw, nakabilad yan, nauulanan tapos ganyan pa ang treatment sa kanilang ng ibang abusadong nagmamaneho.” Ani Lim
Samantala, inihayag ni Lim na pinag-aaralan na nilang armasan ang kanilang mga enforcer upang maging depensa sakaling malagay sa alanganin ang kanilang buhay sa oras ng serbisyo.
“May mga sample kaming tinitignan, mga batuta, baka puwedeng kahit paano ay may panangga sila, titingnan natin kung kaya nating kumuha para sa enforcers natin.” Pahayag ni Lim
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Bus driver na nanuntok ng MMDA enforcers kinasuhan na was last modified: July 4th, 2017 by DWIZ 882