Hiniling na ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa Land Transportation Office ang pagpapa-revoke sa lisensya ng bus driver na sangkot sa pambubugbog sa mga MMDA Traffic Enforcer sa Cubao, Quezon City.
Ito’y upang magsilbing leksyon para sa iba pang barumbadong driver na walang kinikilalang batas sa kalsada.
Partikular na inatasan ni M.M.D.A. Chairman Danilo Lim si Atty. Victor Nuñes, legal counsel ng M.M.D.A. Na makipag-ugnayan sa LTO para sa revocation ng driver’s license ni Eddie Magangcong Junior, 38 taon at tsuper ng Metro Manila Bus Corporation.
Ayon kay Lim, ang pagiging bayolente ni Magangcong sa mga traffic enforcer ay pagpapakita lamang na ang mga driver na tulad niya ay hindi dapat pumapasada.
Magugunitang inaresto ng Cubao Police Station sina Magangcong at kanyang konduktor na si Kim Lester Padilla dahil sa naturang insidente at nahaharap sa kasong direct assault upon an agent of a person in authority.
Nasugatan sa pambubugbog ang mga MMDA traffic enforcer na sina Roberto Supan at Rodel Abanil na naganap noong Hulyo 3.
By: Drew Nacino
Bus driver na sangkot sa pambubogbog sa MMDA Enforcer hiniling na tanggalan ng lisensya was last modified: July 6th, 2017 by DWIZ 882