Libo-libo ang dumalo sa libing ng isang bus driver sa China dahil sa pagsagip sa buhay ng 24 na pasahero, sa kabila ng mga sugat na natamo nang matamaan ng bakal.
Sa isang video, makikita si Wu Bin na minamaneho ang kanyang bus. Hindi niya alam na ito na ang huling sakay ng kanyang buhay.
Isa kasing malaki at mabigat na tipak ng bakal ang aksidenteng nahulog mula sa isang truck at biglang tumama sa bus.
Natamaan nito si Wu na nagtamo ng liver rupture at ilang rib fractures.
Sa sobrang sakit, napahawak siya sa kanyang sikmura at napasigaw. Ngunit nilabanan niya ito at ginamit ang kanyang huling lakas upang ihinto ang bus.
Pinaalalahanan niya pa ang mga pababang pasahero na mag-ingat dahil nasa gitna pa rin sila ng kalsada.
Nang matiyak na ligtas na ang lahat ng mga sakay, napabagsak na lang siya sa kanyang kinauupuan, at sa kasamaang-palad, binawian din ng buhay.
Ordinaryo man ang kanyang naging buhay, ngunit sa kanyang pinakahuling sandali, naging bayani si Wu na naging inspirasyon sa buong mundo.