Umani ng papuri mula sa mga netizen ang isang bus driver matapos nitong iligtas ang isang asong pagala-gala sa kalsada.
Sa mga larawang ibinahagi sa social media, makikita ang aso na kumportableng nakasakay sa bus habang pinapainom ng tubig mula sa isang plastic cup.
Ayon sa ulat, natagpuan ng bus driver ang aso na tila nalilito habang palakad-lakad sa gitna ng kalsada.
Hindi siya nagdalawang-isip na ihinto ang minamanehong pampasaherong bus upang sagipin ang aso mula sa pagkasagasa.
Nang matiyak na ligtas na ang aso sa loob ng bus, binigyan niya ito ng pagkain at tubig.
Natuwa naman ang mga pasahero sa nasaksihang nakaaantig na eksena, kaya agad nila itong kinuhanan ng larawan at ipinost sa social media.
Agad naman itong pinusuan ng mga netizen. Marami sa kanila ang nagpahayag ng paghanga at respeto sa bus driver dahil sa pagsagip nito sa aspin. May ilan ding humiling na sana dumami ang katulad niyang animal lover. Hangad nila, bumuhos pa ang biyaya na matatanggap ng bus driver.
Dahil sa ipinakitang kabutihan ng bus driver, isang inosenteng buhay ang nailigtas. Nagbigay rin ito ng inspirasyon sa mga netizen na laging magpakita ng pagmamalasakit sa kapwa—sa tao man o sa hayop.