Overloaded ang bus na nahulog sa bangin sa Carranglan, Nueva Ecija na ikinasawi ng mahigit tatlumpu (30) katao at ikinasugat ng apatnapu’t anim (46) na iba pa.
Ayon kay Nueva Ecija Police Director Senior Superintendent Antonio Yarra, apatnapu’t limang (45) pasahero lamang ang kapasidad ng naturang bus ngunit ang sakay nito ay aabot sa pitumpu’t pito (77).
Sinabi ni Yarra, na posibleng di nakayanan ng preno dahil sa overloaded ang bus.
Batay sa imbestigasyon, sumigaw ang drayber ng bus na hindi na nito makontrol ang sasakyan matapos pumutok ang gulong sa unahan ng bus.
Samantala, kabilang ang driver ng bus sa mahigit tatlumpung (30) nasawi matapos mahulog ang kanilang sasakyan sa isang bangin sa Carranglan, Nueva Ecija.
Kinilala ng mga awtoridad ang drayber ng bus na si Cesar Perang.
Gayunman, hindi pa matiyak kung si Perang ang mismong nagmamaneho nang mangyari ang aksidente dahil sa dalawa ang drayber ng bus.
Alinsunod ito sa kautusan ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board na dapat may karelyebo ang mga drayber ng bus kada anim na oras na biyahe para maiwasan ang aksidente.
Matatandaang alas-10:00 ng umaga kahapon nang mahulog sa may isandaang (100) talampakan na bangin ang Leomaric Trans Bus.
By Ralph Obina
Bus na nahulog sa bangin sa Nueva Ecija overloaded—PNP was last modified: April 19th, 2017 by DWIZ 882