Sugatan ang dalawang sundalong nakipaglaban sa Marawi City matapos mabangga ang sinasakyang bus na maghahatid sa kanila sa Iligan City mula sa Marawi City.
Napag-alamang nawalan ng preno ang bus habang bumabaybay sa Barangay Maria Cristina, Iligan City, kaya’t nagpasya ang drayber na ibangga ito sa puno kesa mahulog sa bangin na may dalawandaang (200) metro ang lalim.
Bahagya lamang naman ang sugat ng dalawang sundalo kaya’t inilipat na lamang sila ng sasakyan kasama ang iba pang sundalong sakay ng bus.
Ang bus ay bahagi ng convoy na maghahatid sa mga sundalong nakipaglaban sa Marawi City sa Iligan City.