Tanggap ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines ang pagtatalaga ni Pangulong Benigno Aquino III sa Highway Patrol Group o HPG para pangunahan ang pagtugon sa malalang problema sa trapiko sa Metro Manila kapalit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Alex Yague, Executive Director ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines, bagamat suportado ng kanilang grupo ang nasabing hakbang, kailangan pa rin aniyang pag-aralan ng HPG ang mga regulasyon ng MMDA at mga lokal na batas trapiko ng mga Local Government Units (LGU’s).
Ipinaliwanag ni Yague na dalawa ang violation na kasalukuyang binabantayan ng MMDA ang traffic at ang franchise violations.
Aniya, mas mainam kung mag-concentrate na muna sa ngayon ang HPG sa mga traffic violations.
“Doon lang sila mag-focus sa mga traffic violations, doon lang sa mga driver na pasaway, huwag muna silang mag-focus doon sa franchise violations, kasi pag franchise violation, pahihintuin mo ang sasakyan, kukunin mo ang rehistro, eh kung hindi pa nila kabisado ‘yun lalo pa sigurong nadagdagan ang traffic.” Ani Yague.
Bagong batas trapiko
Binigyang-diin din na lahat ng paraang ipinatutupad ng pamahalaan para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko ay tinatanggap nila dahil kasama sila sa makikinabang sakaling magtagumpay ang mga ito.
Gayunman, naniniwala si Yague na hindi pa rin ito sapat para maresolba ang malaking problema sa masikip na daloy ng trapiko.
Dapat aniyang isaalang-alang ng gobyerno na 30,000 sasakyan ang nadaragdag sa mga kalsada kada buwan.
“Meron pa dapat na kakaiba o bagong batas trapiko na dapat nating ipatupad para magpatuloy na mawala o atleast maibsan lang po ang traffic, hindi naman siguro natin maaalis ‘yan totally, kasi po kapag ang sistema ng traffic ay discipline lang, eh kulang po yun eh.” Ani Yague.
Kasabay nito, pinayuhan ni Yague ang Highway Patrol Group na pag-aralan rin ang pagkakaiba-iba ng traffic regulations na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Developemtn Authority (MMDA) at ng Local Government Unit na nakakasakop sa kanilang mamanduhang lugar.
Magandang pagkakataon rin aniya ang pagtatalaga ng HPG para manduhan ang trapiko para linisin ang kanilang imahe na noo’y laging ikinakabit sa pangongotong.
“Buong bayan po natin ay nakatingin po sa kanila eh, kung ipapatupad po nila ng maganda itong batas trapiko, at makikita ng taong bayan na dito walang kotong at istrikto sila sa pagpapatupad, eh siguro po ay meron tayong pag-asa.” Dagdag ni Yague.
By Mariboy Ysibido | Len Aguirre | Ratsada Balita