Inaprubahan na ng World Bank ang pagpopondo sa unang BRT o Bus Rapid Transit System sa Metro Manila.
Ayon sa ulat, nagkakahalaga ang Metro Manila BRT Line 1 ng 109.4 million dollars kung saan ang 64.6 million dollars ay ipapahiram ng World Bank at CTF o Clean Technology Fund.
Habang ang natitira namang 44.8 million dollars ang popondohan ng pamahalaan.
Ayon kay World Bank Director Mara Warwick, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng abot kaya at maayos na pampublikong transportasyon, inaasahang makakatulong ang BRT project upang mas maging abot kamay ang oportunidad sa trabaho at edukasyon lalo na sa mga mahihirap na nakatira malapit sa BRT route.
Maliban dito, malaki rin aniya ang maitutulong ng proyektong ito sa kampanya ng pamahalaan kontra Climate Change dahil sa ang BRT System ay inaasahang makakabawas sa greenhouse gases.
Batay sa datos ng World Bank, may kakayahan ang BRT System na makapagsakay ng tatlongdaang libong (300,000) commuters kada araw sa kahabaan ng España Boulevard at Quezon Avenue.
By Ralph Obina