Tatlumpu (30) ang patay kabilang ang dalawampu’t pitong (27) bata sa pagkahulog ng isang bus sa bangin sa Himachal Pradesh State, India.
Karamihan sa mga pasahero ay edad sampu pababa at bukod sa mga estudyante, nasawi din sa trahedya ang dalawa nilang teacher at bus driver.
Binabaybay ng bus na may lulang apatnapung (40) estudyante ng Wazir Ram Singh Pathania Memorial School ang matatarik na kalsada ng Kangra District nang maganap ang aksidente.
Nadulas umano ang sasakyan at nawalan ng kontrol ang driver dahilan upang bumulusok ito sa bangin na may lalim na dalawandaang (200) talampakan.
Naglunsad na ng search and rescue operation ang national disaster relief force habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
—-