Nakadepende sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) kung kailan nito mababawi ang ipinataw na ‘business permit suspension’ ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, ang pamunuan na ng NLEX ang makasasagot kung kailan mapapawalang bisa ang suspension order nito.
Paliwanag ni Gatchalian, kung agarang aaksyunan ng NLEX Corporation ang reklamo sa kanila, panigurado aniyang agad-agad din namang mali-lift ang suspension order.
Magugunitang inihain ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang suspension order laban sa NLEX Corporation dahil sa aberya sa ipinatutupad na radio-frequency identification (RFID) na nagresulta ng mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod.
Kasunod nito, binigyang diin ni Gatchalian na mananatiling bukas ang mga tollgate barriers para madaanan ng mga motorista sa kabila ng ipinataw na suspensyon.
Mababatid na nakatakdang magpulong bukas, ika-9 ng Disyembre sina Gatchalian at mga opisyal ng NLEX para ayusin ang gusot sa pagpapatupad ng cashless transaction.