Tinalakay sa ginanap na 36th Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit ang panukalang muling buksan ang business travel sa Southeast Asian region.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, may tatlong lider na ng sampung bansang miyembro ng ASEAN ang nagpahayag ng suporta sa nabanggit na panukala.
Paliwanag ni Roque, iginiit ng mga nabanggit na lider ang malaking epekto sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic kaya kinakailangan na ring buksan ang kalakalan.
Gayunman, kinakailangan pa rin aniyang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng quarantine at iba pang health restrictions para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Samantala, binigyang diin naman ni ASEAN chairman Vietnam Prime Minister Nguyen Xuan Phuc ang kahalagahan ng pagbuo ng isang komprehensibong post-pandemic recovery plan sa mga bansang miyembro ng ASEAN.
Layun aniya nitong matugunan ang epekto sa socio-economic ng COVID-19.
Nanawagan naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakaroon ng isang sustainable plan para makabuo ng regional fund na makatutulong sa pagtugon sa COVID-19 pandemic gayundin sa muling pagbangon ng ekonomiya ng mga bansang miyembro ng ASEAN.