Natakot at nataranta ang mga residente sa isang barangay sa San Fernando, Pampanga nang makitang palutang-lutang sa baha ang isang hayop na mukhang buwaya.
Nasa apat na talampakan ang laki nito at kinailangang magtulungan ng limang lalaki para lamang mahuli ito.
Ayon sa mga residente, dalawang araw nilang inabangan ang hayop na pinangambahan nilang mangangagat dahil sa malaking nguso nito.
Nang madakip ang hayop, nagsagawa sila ng pagsusuri. Dito nila natuklasang hindi pala ito buwaya, kundi isang alligator gar o kilala rin bilang “monster fish”.
Ang alligator gar ay isang uri ng isda na kayang lumaki ng hanggang walong talampakan. Walang kaugnayan ang isdang ito sa alligators; ipinangalan lamang ito sa kanila dahil sa hitsura at matatalas nitong ngipin na katulad sa reptilya.
Isang gabi lamang nanatili sa mga residente ang nahuling alligator gar dahil kinuha rin ito ng may-ari.
Batay sa salaysay ng isang residente, isang pet ang alligator gar na nakawala lamang nang bumaha sa lugar.
Kadalasan talagang ginagawang alaga ang alligator gars dahil bagama’t mukhang nakakatakot, wala naman itong banta sa kaligtasan ng mga tao.