Inihain na sa senado ni Senator Pia Cayetano ang panukalang patawan ng Value Added Tax (VAT) ang lahat na digital transaction.
Alinsunod sa Senate Bill 250 ni Cayetano, papatawan ng VAT ang lahat ng produkto at serbisyo na ginawa digitally o electronically o ginamitan ng internet.
Halimbawa nito ang mga binili sa online shop, mga online video game, online courses at webinars, online news papers at mga digital content, gaya ng pelikula at musika.
Nilinaw naman ni Cayetano na hindi ito paglikha ng bagong buwis bagkus nais niyang palakasin ang kapangyarihan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kolektahin ang VAT ng lahat ng digital service provider sa loob at labas ng bansa.
Layunin din ng panukala na gawing pantay ang trato at pagpapataw ng buwis sa traditional at digital businesses.
Nangangahulugan anya ito na kung may VAT ang produktong aktuwal na binili sa department store, dapat may buwis din kapag bumili sa online platform at kailangang makolekta ito ng BIR mula sa digital service provider.
Batay sa international report, ang Pilipinas ang may pinakamabilis na internet economy sa Southeast Asia na nagkaroon 12 million na bagong digital consumers simula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.