Irerekomenda ng Senado na taasan ang ipinapataw na buwis sa electronic cigarettes at licit o legal na sigarilyo sa bansa.
Ito’y matapos lumabas sa survey ng DOST-Food and Nutrition Research Institute na patuloy na tumataas ang bilang ng mga smoker na bumalik sa paggamit ng traditional cigarettes at e-cigarettes.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian, hindi sapat ang ipinapataw na tax ng pamahalaan para mapababa ang consumption ng mga sigarilyo at e-cigarettes.
Dahil dito, iminungkahi ng Senador na dapat taasan ang buwis sa e-cigarettes at gawin itong unitary para madali ang koleksyon ng BIR.
Binigyan-diin pa ni Senador Gatchalian na pag-aaralan din kung sapat ba ang ipinapataw na kasalukuyang tax rates sa manufactured cigarettes para mapababa ang konsumo ng mga naninigarilyo.
Nabatid na batay sa survey, umabot na sa 9.5 million ang bilang ng mga maninigarilyo nuong 2023. – Sa panulat ni Kat Gonzales