Kanselado na ang biyahe ng cruise ship na MV World Dream sa Subic bay free port matapos dumaong sa Pier 15 ng South Harbor Manila, kahapon.
Ito ang inanunsyo ni Philippine Coast Guard Spokesperson Captain Armand Balilo matapos magpasiya ang pamunuan ng nabanggit na cruise ship na bumalik na lamang ng Hong Kong kung saan ito nakabase sa halip na magtungo pa ng Subic.
Una rito nabatid na sumulat si Subic Zambales Mayor Jon Khongkun kay SBMA Administrator Wilma Eisma na huwag pahintulutan ang pagdaong sa kanilang pantalan ang M/V World Dream.
Nagsagawa rin ng kilos protesta ang ilang mga residente ng Olongapo City sa pangunguna ng kanilang alkalde na si Rolen Paulino laban din sa pagpunta sa Subic ng nabanggit na cruise ship.
Sinabi ni Balilo, sakay ng M/V World Dream ang nasa 778 mga turista mula Hong Kong na nakapamasyal na rin aniya ng Manila.
Supposed to be 4,000 yung sakay nito may mga kukunin na mga turista sana galing iba’t-ibang lugar sa China pero parang nag-decide yung may-ari na hindi na nila kinuha kaya 700 na lang yung sakay, nag-cancel na ang kanilang trip papuntang Subic instead babalik na lang sila sa Hong Kong,” ani Balilo.
— panayam mula sa Teka Teka (alas 4:30 na!)