Ibinasura ng Court of Appeals ang hatol ng isang korte sa Bataan ukol sa kaso ng isang lalaking nasangkot sa ipinagbabawal na droga.
Batay sa desisyon ng CA, isinantabi nito ang hatol ng Balanga City RTC na nagsasaad na hindi na maaaring mag-apply ng probation sa korte ang akusadong si Darwin Reyes.
Ayon sa rekord, si Reyes ay nahuli noong October 23,2019 dahil sa umano’y pagbebenta ng shabu.
Ngunit naglatag ng plea bargain agreement ang panig ng akusado kung saan umamin ito sa mas mababang kaso o ‘yung drug use sa halip na illegal sale.
Bagama’t pinagbigyan ng lower court ang hirit ni Reyes, ipinag-utos nito na hindi na ito maaaring mag-apply ng probation.
Subalit ayon sa Court of Appeals, dahil inaprubahan ng Balanga City RTC ang pag-amin ng akusado sa mas mababang kaso ay eligible itong mag-apply ng probation. —sa panulat ni Hyacinth Ludivico