Ibinasura ng Court of Appeals o CA ang isinampang apela ni Supt. Hansel Marantan na sangkot sa Atimonan Shootout noong 2013 na ikinamatay ng 13 katao.
Sa resolution ng CA 14th Division sa panulat ni Associate Justice Apolinario Bruselas Jr., ibinasura nito ang motion for reconsideration ni Marantan at pinagtibay naman nito ang kanilang nauna ng desisyon noong September 2, 2016 na nagbabasura sa mosyon ni Marantan dahil na rin sa kawalan ng hurisdiksyon ng appellate court sa inihain nitong motion.
Ayon sa CA, walang naipakitang panibagong argumento si Marantan upang baliktarin nila ang nauna nilang ruling.
Paliwanag ng CA, hindi nila maaaring aktuhan ang mosyon ni Marantan dahil tanging ang Korte Suprema lamang ang mayroong soul jurisdiction sa mga kasong kriminal na denisisyunan ng Office of the Ombudsman at hindi ang CA.
Nag-ugat ang kaso sa naging desisyon ng Ombudsman na ibasura ang isinampang kaso ni Marantan laban kina Sr. Supt. Ericson Velasquez at Sr. Insp. Javier Palad Baasis ng PNP Calabarzon na inirereklamo ni Marantan ng paglabag sa Anti-Graft Law dahil sa ipinapatupad na kaltas ng mga respondent na 25%-30% sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE para sa lahat ng stations at units na nasa ilalim ng kanilang pamumuno.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo