Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Court of Appeals Justice Maria Filomena Singh bilang bagong associate justice ng Korte Suprema.
Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nanumpa si Singh kay Chief Justice Alexander Gesmundo kagabi.
Si Singh ang pumalit kay Supreme Court Associate Justice Estela Perlas-Bernabe na nagretiro noong Mayo 14.
Ang bagong mahistrado ang sinasabing pinakahuling appointee ni Pangulong Duterte sa Supreme Court (SC) bago bumaba sa puwesto sa June 30.
Magiging isa rin si Singh sa mga mahistradong pinakaha-mahabang panahong magsisilbi sa SC bago ang kanyang mandatory retirement sa taong 2036. —sa ulat ni Bert Mozo (Patrol 3)