Hindi kumbinsido ang Court of Appeals o CA na aktwal na napagkaitan ng kanyang kalayaan ang Pork Barrel Fund Scam Whistleblower na si Benhur Luy habang siya ay nananatili sa isang retreat house sa Makati City.
Ito ang isa sa ipinunto ng CA sa desisyon nito na baligtarin ang hatol na guilty laban kay Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention.
Batay umano sa mga nakalap na ebidensya, mismong si Luy pa ang humiling na mapasailalim sa spiritual retreat sa bahay sa San Jose at sa ng kanyang panananatili ay hindi nito naisip na tumakas at hindi rin nasabi sa iba ang kanyang sitwasyon.
Nakapagtataka anila na sa mga okasyon na nakalalabas ng retreat house si Luy ay hindi rin umano ito humingi ng saklolo sa mga otoridad.
Ipinunto pa ng CA na nang gawin ang rescue operation kay Luy noong March 2013, siya ay nagpumiglas na sumama sa mga miyembro ng NBI o National Bureau of Investigation at sinabi pa na walang ginawang iligal laban sa kanya si Reynald Jojo Lim na kapatid ni Janet Napoles at isa rin sa mga akusado sa kaso.
Sumulat ng desisyon ng kaso si CA 12th Division Chairman Normande Pizzaro at sinangayunan naman ng mga miyembro na sina Aj Samuel Gaerlan at Jhosep Lopez.
DOJ planong gamitin si Napoles bilang testigo sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa PDAF Scam
Irerespeto umano ng Department of Justice o DOJ ang desisyon ng Court of Appeals na absuweltuhin si Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, wala namang magiging problema kung ang pinagbatayan ng Court of Appeals ay ebidensya.
Nauunawaan umano niya na kailangang maging patas ang Appellate Court sa lahat.
Idinagdag pa ni Aguirre na plano nilang gamitin si Napoles bilang testigo sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa PDAF Scam kung makikipagtulungan si Napoles.
Sa ilalim ng Section 21, Article 3 o Bill of Rights ng 1987 Constitution, dahil sa pagpapawalang sala ng CA kay Napoles, hindi maaring isalang muli sa prosekusyon ang isang tao para sa kaparehong paglabag at parehong sirkumstansya alinsunod sa prinsipyo na nagbabawal sa double jeopardy.
By Drew Nacino |With Report from Bert Mozo