Pinag-aaralan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang paglalagay ng mga gender neutral restrooms sa lahat ng paliparan sa buong bansa na kanilang pinangangasiwaan.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, bukod sa kaninang punong tanggapan sa Pasay City, 15 sa 42 paliparan sa buong bansa ang meron ng gender neutral restrooms.
Kabilang aniya rito ang mga paliparan ng Iloilo, Bacolod, Roxas, Laoag, Legazpi, Naga, Virac, Busuanga, Laguindingan, Dipolog, Butuan, San Jose, Basco, Marinduque at Tandag.
Dagdag ni Apolonio, kanilang sinimulan ang proyekto noon pang 2015 kung saan apat na magkakahiwalay na palikuran para sa mga babae, lalaki, persons with disabilities/ senior citizen at gender neutral ang kanilang ipinagagawa .
5% din aniya ng pondo ng CAAP ang inilalaan para sa mga gender and development program.