Magkakaiba ang posisyon ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang magsagawa ng joint investigation kasama ang China hinggil sa insidente sa Recto Bank.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, bukas ang pamahalaan sa lahat ng mga posibleng paraan para maresolba ang usapin at kabilang aniya rito ang isang joint investigation.
Dagdag ni Nograles, makatutulong rin aniya ito sa pakikipag-usap ng Pilipinas sa China para matukoy kung paano makakakuha ng hustisya ang mga mangingisdang Pinoy na sakay ng lumubog na bangka sa Recto Bank.
Taliwas naman dito ang naging posisyon ni Foreign Affairs secretary Teddy Locsin Jr. kung saan kanyang tiniyak na walang mangyayaring joint investigation sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sinabi ni Locsin, kanyang nang binanggit kay Executive Secretary Salvador ang kanyang opinyon na sinuportahan naman aniya ng Malakanyang.
Iginiit pa ng kalihim, sakop ng hurisdiksyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang usapin sa nangyaring pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank.
Samantala, tumanggi nang magkomento si Justice Secretary Menardo Guevarra at sinabing ipinauubaya niya na lamang kay Pangulong Duterte ang pagpapasiya hinggil sa panukalang joint investigation.