Hinihintay na ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco ang direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa posibleng papel ni Vice President Leni Robredo sa kanyang administrasyon.
Bukas si Evasco na makatulong si Robredo sa pagpapatupad ng kauna-unahang executive order ng pangulo hinggil sa pagsugpo sa kahirapan.
Matatandaan na pangunahing tema ng kampanya ni Robredo ang pag-angat sa mga nasa laylayan ng lipunan lalo na ang mga nagugutom.
Bahagi ng pahayag ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco
Sa ilalim ng Executive Order Number 1 ng Pangulong Duterte, inilagay niya sa ilalim ng pangangasiwa ni Evasco ang 12 ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa seguridad sa pagkain.
Nakasaad sa EO ang pagrepaso sa mga umiiral nang programa para sugpuin ang kahirapan at kung kinakailangan ay bumuo ng mga panibagong programa na mas makakatugon sa problema ng gutom.
Ayon kay Evasco, bago pa man na-isyu ang EO ay mayroon nang mahigpit na direktiba ang Pangulo na tiyakin ang sapat at abot kayang pagkain para sa lahat.
Kasabay nito ay tiniyak ni Evasco na tututukan nila ang dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng nagugutom sa Mindanao batay sa naging resulta ng survey ng Social Weather Stations.
Bahagi ng pahayag ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco
By Len Aguirre | Ratsada Balita
Photo Credit: lenirobredo/fb