Diniskuwalipika ng Commission on Elections (COMELEC) si Cagayan Governor Manuel Mamba makaraang lumabag sa spending ban sa katatapos lamang na 2022 Elections.
Sa pahayag kahapon ng COMELEC-2nd Division, nakitaan ng ebidensya na nilabag ni Mamba ang 45 days election ban sa pagpapalabas ng pondo na hindi umano ipinaalam sa COMELEC.
Nabatid na naging iligal ang pagpapalabas ng pondo ni Mamba dahil hindi nito sinunod ang requirement sa ruling ng COMELEC.
Nag-ugat ang naturang isyu matapos magreklamo ang katunggali ng gobernador na si Zarah Rose De Guzman Lara na natalo sa nakalipas na halalan.
Sa naging akusasyon ni Lara, si Mamba ay sangkot umano sa laganap na vote-buying incident gamit ang pondo ng provincial government pero sinabi ng COMELEC na walang nailabas na ebidensya ang kampo nito na susuporta sana sa alegasyon laban kay Mamba.
Samantala, binigyang-diin naman ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco, na maaari pa ring maghain ng Motion for Reconsideration si Mamba sa loob ng limang araw.