Nakaalerto ang militar at pulisya sa lalawigan ng Cagayan kasunod ng pagkakahuli sa isang mataas na lider ng NPA o New People’s Army sa Peñablanca, Cagayan.
Bunga ito ng pangamba na umatake ang NPA upang sagipin ang kanilang lider na kinilalang si David Soriano alias Jerome Antonio y Sabban, kalihim ng Northern Front, Komiteng Rehiyon Hilagang Silangang Luzon ng NPA.
Kasamang nadakip ni Soriano ang kanyang driver na nakilalang si Jude Malana Cipriano.
Naglagay na ng checkpoints ang Philippine National Police sa mga posibleng daanan ng mga rebelde sa mga bayan ng Sto. Niño at Amulung sa Cagayan.
Si Soriano ay number one sa target list ng awtoridad sa Region 2 dahil sa limampung (50) kaso ng panununog, pagpatay at iba pa.
Suspek din umano si Soriano sa pagpatay kay Mayor Carlito Pentocostes, Jr. noong 2015 at pag-ambush sa mga kagawad ng PNP sa Baggao Cagayan noong Pebrero ng nakaraang taon na ikinasawi ng anim (6) na pulis at ikinasugat ng sampung (10) iba pa.
By Len Aguirre
Cagayan nakaalerto matapos maaresto ang isang NPA leader was last modified: May 5th, 2017 by DWIZ 882