Kinumpirma na ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang dalawang nasawi sa probinsya dahil sa pananalasa ng Bagyong Maymay.
Ayon kay Cagayan PDRRMO Head Ruelie Rapsing, nagmula sa bayan ng Sta. Ana at Buguey ang mga nasawi.
Ito ay si Richard Mangrubang, 47-anyos, residente ng Barangay San Vicente sa bayan ng Sta. Ana at ang mangingisdang si Marcial Pugal, 52-anyos.
Paliwanag ni Major Manuel Viloria, Chief Ng Santa Ana Police, noon pang Lunes ng gabi lumabas si Mangrubang para mangisda pero hindi na ito nakabalik.
Nakita na lang ng kapwa mangingisda nito ang katawan ni Mangrubang sa Ipil, bayan ng Gonzaga.
Ganito rin ang sinapit ng unang nasawi na si Pugal dahil sa malalakas ng alon bunsod ng bagyo.