Nanindigan si Cagayan Vice Governor Melvin Vargas Jr. na walang katotohanan ang napa-ulat na ilang mga local officials ng kanilang lalawigan ang nasa Malakanyang para mag-tour sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ompong.
Ayon kay Vargas, hindi tour ang kanilang ipinunta sa palasyo kung hindi dahil sa imbistasyon ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go upang pag-usapan aniya ang ilang isyu sa Cagayan.
Ngunit sa pagdating umano nila sa malakaniyang ay tanging si Executive Secretary Salvador Medialdea na lamang ang kanilang naabutan dahil may iniutos umano ang pangulo kay Go.
Binigyang diin din ni Vargas na bago pa man mag-landfall ang Bagyong Ompong nuong Sabado ng madaling araw ay nakabalik na sila ng Cagayan.
Una rito, sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na posibleng makasuhan o masibak sa pwesto ang mga local officials na mapapatunayang wala sa kanilang lugar nang manalasa ang bagyo.