Nagpahayag ng suporta si Cainta, Rizal Mayor Ellen Nieto sa panukalang batas na layong pagkalooban ng ‘fixed’ salaries at iba pang mga benepisyo ang mga barangay officials.
Ang pahayag ay ginawa ni Nieto matapos itulak nina ACT-CIS Party-list Representatives Edvic Yap, Jocelyn Tulfo at Jeffrey Soriano; Benguet Rep. Eric Yap, Quezon City Rep. Ralph Tulfo, at Davao City Rep. Paolo Duterte ang House Bill 502 kung saan isinusulong nito ang pagbibigay ng ‘fixed’ na sahod para sa mga opisyal ng barangay at idineklara ang mga ito bilang mga regular na empleyado ng gobyerno upang makatanggap ng maayos na kompensasyon at benepisyo.
Paliwanag ni Nieto, misis ni dating Mayor Johnielle “Kit” Nieto, panahon na upang ibigay sa mga halal na opisyal ng barangay ang nararapat para sa kanila at kilalanin ang mahalagang papel na ginagampanan nila sa pagseserbisyo sa mga komunidad.
“Nagtatrabaho rin naman ‘yung mga barangay officials kaya I think it’s about time na mabigyan sila ng fixed salary. Mahirap eh, mahirap din po ‘yung [trabaho] nila,” wika ni Nieto sa panayam ng mga miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps.
Binanggit sa bill na ang barangay ay nagsisilbi bilang ‘office of the first resort of the people’ at marami silang isyu na dapat tugunan maliban sa regular nilang tungkulin at responsibilidad.
Bilang basic political unit, ang barangay ay nagsisilbi rin bilang pangunahing ‘planning and implementing unit’ ng mga proyekto, programa at polisiya ng pamahalaan.
Ayon sa mga mambabatas, karamihan sa mga hakbang na ginagawa ng national government ay nangangailangan ng suporta at intervention ng barangay dahil sila ang mas malapit sa tao na ‘form of government’.
Nabatid na bukod sa fixed salaries, itinutulak din ang pagbibigay ng PhilHealth, Pag-Ibig at Government Service Insurance System (GSIS) benefits sa mga barangay officials.
Sa kasalukuyan, tanging ang mga barangay chairperson at mga kagawad lamang ang nakakatanggap ng kompensasyon sa porma ng honorarium at hindi ‘fixed salary’ na nakapaloob sa compensation system.
Kasabay nito, inihayag ni Nieto na sang-ayon siya sa panukalang i-postpone o ipagpaliban muli ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections na nakatakda sa Disyembre ngayong taon.
Ayon sa alkalde, ano man ang mapagpapasyahan ng mga kinauukulan ay susuportahan niya ito.
“Well, I think it is a matter of budget [na] sinasabi nila. I can understand pero either way kasi naiintindihan ko ‘yung limitations siguro or reasons for postponing [kasi iba ‘yung sitwasyon natin ngayon],” pahayag pa ng lady mayor. (GILBERT PERDEZ)