Nagpatupad na ng “no face mask and face shield, no entry” policy ang mga bayan ng Cainta at Taytay sa Rizal.
Kasunod na rin ito ng pagpasa ng mga ordinansa ng lokal na pamahalaan sa mga naturang bayan hinggil sa pagsusuot ng face mask at face shield.
Sa ilalim ng Cainta Ordinance No. 2020-025, kinakailangan nang magsuot ng face mask at face shield ang lahat ng residente sa buong pagkakataon na nasa pampubliko o pampribadong mga establisyimento ang mga ito.
Kabilang na rito, ngunit hindi limitado sa mga supermarkets, mga palengke, ospital, drugstores, courier service centers, remittance centers, at mga tanggapan ng gobyerno.
Pagmumultahin naman ng P1,000 ang mga lalabag sa naturang ordinansa at kinakailangan ding dumalo sa mga awareness campaigns at seminars kaugnay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Samantala, magugunita ring inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na gagawin nang mandatory ang pagsusuot ng face shields, bukod pa sa face mask, kapag sasakay ng pampublikong sasakyan simula sa ika-15 ng Agosto.