Naglaan na ang Pag-Ibig fund ng P5-B Calamity Loan Fund bilang tulong sa mga miyembrong naapektuhan ng bagyong Paeng.
Ito ang inanunsyo ni Secretary Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development at chairman ng Pag-ibig Fund Board of Trustees.
Ayon kay Acuzar, 344,000 miyembro ang apektado sa Regions 4-A, 5, 6, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at iba pang lugar na nasa ilalim ng State of Calamity.
Eligible anya ang mga ito na humiram ng pera sa ilalim ng nasabing programa.
Sa ilalim ng Pag-Ibig Calamity Loan, maaaring umutang ang miyembro ng hanggang 80% ng kanilang total Pag-Ibig savings, na binubuo ng kanilang monthly contributions.
Bilang konsiderasyon sa sitwasyon ng mga apektadong miyembro, 5.95% per annum lamang ang interes na pinaka-mababang rate ang ipapataw.
Maaari namang bayaran ang Calamity Loan sa loob ng tatlong taon.