Nakaranas ng pagyanig ang ilang bahagi ng Metro Manila makaraang lumindol kaninang alas-7:43 kaninang umaga.
Batay sa PHIVOLCS, namataan ang epicenter ng lindol sa Calatagan sa Batangas na may lakas na magnitude 6.3.
Nasa 74 kilometers ang lalim ng lindol, habang tectonic naman ang origin nito.
Ayon kay Undersecretary Dr. Renato Solidum, direktor ng PHIVOLCS, bukod sa mga lugar sa Metro Manila, may ilang ulat din aniya na naramdaman ang pagyanig sa Bataan, Mindoro, General Trias sa Cavite at Cabanatuan City sa Nueva Ecija.
Mababatid na naitala ang sumusunod na intensities:
- Intensity 4 – Lemery, at Malvar sa Batangas; San Pedro, Laguna; mga lungsod ng Maynila; Marikina; Quezon; Pasig, Maging ang Cainta at Antipolo City sa Rizal.
- Intensity 3 – Caloocan City; Tanay sa Rizal; San Jose Del Monte City, at Plaridel sa Bulacan; Gapan City, Nueva Ecija; Cabangan at Iba Sa Zambales; Samal, Bataan; Valenzuela City; Malabon City.
- Intensity 2 – San Isidro sa Nueva Ecija; Alaminos City sa Pangasinan.
Kasunod nito, tiniyak naman ni Solidum na hindi dapat mangamba sa banta ng tsunami.
Sa huli, paalala ni Undersecretary Solidum na sa tuwing may lindol dapat unahin ang kaligtasan ng bawat isa ang ibayong paghahanda rito.