Kasado na ang pagpapatupad ng ‘calibrated’ quarantine operation sa lalawigan ng Cavite simula 12 m.n. ng Abril 30, at tatagal hanggang 5 a.m. ng Mayo 15.
Ito’y batay sa Facebook post ni Cavite Governor Jonvic Remulla kung saan aniya ay magiging 24 oras na ang curfew sa buong lalawigan mula sa dating 8 p.m. hanggang 5 a.m. lamang.
Exempted aniya sa ipatutupad na 24 oras na curfew ang mga quarantine pass holder na papayagan hanggang 6 p.m.; food handlers; bank employees; empleyado ng financial services; at mga nagsasagawa ng relief operations.
Kabilang din sa guidelines na inilathala ni Remulla ang paghuli sa mga residente na maaabutan sa labas ng bahay, maging ang pagtayo sa tapat ng kani-kanilang bahay, na walang quarantine pass.
Subalit nagdulot naman ng kalituhan sa karamihan ng residente ang unang anunsyo ni Remulla sa kaperong Facebook page na nagsasabing ipatutupad ang 14-day ‘strict’ quarantine sa lalawigan.
Ayon kay Remulla, madami ang nag akala na ito ay total lockdown.
Sa pag-ikot ng DWIZ sa lungsod ng Dasmariñas ilang oras matapos ang anunsyo, napansin ang pagdoble ng mamimili sa mga palengke at grocery stores ngayong araw ng Martes, Abril 28.
Ayon sa ilang residente, ito’y dahil umano sa pangamba na baka isara na ng 14 na araw ang lahat ng establisyimento, batay anila sa abiso mula kay Remulla, kaya naman ay agad silang namili para mag imbak ng pagkain at ilang suplay.
Agad namang humingi ng pasensya ang gobernador sa mga residente sa kanyang naunang post na nagdulot ng kalituhan.
Anito, hindi uubrang magpatupad ng total lockdown sa lalawigan ng Cavite dahil hindi aniya kayang sustentuhan ng local government unit (LGU) ng pagkain ang mahigit 4-milyong residente ng Cavite sa loob ng 14 na araw.