Inaasahang dadalo si Solicitor General Jose Calida sa pagdinig ng kamara sa panukalang magbibigay ng 25-year broadcast franchise sa ABS-CBN network ngayong Martes, Mayo 26.
Ayon kay House Legislative Franchise Committee Vice Chair Jonatahn Sy-Alvarado, isa si Calida sa mga inanyayahang resource persons para matiyak ang patas, walang pinapanigan at komprehensibong pagdinig sa usapin.
Sinabi ni Sy-Alvarado, tatalakayin sa pagdinig ang lahat ng isyu na pumapabor at tumututol sa aplikasyon ng network para sa prangkisa.
Maliban dito, makapagbibigay linaw at pangkalahataang ideya rin sa usapin ang iba pang inimbitang resource person.
Tiwala naman si Sy-Alvarado na hindi makaapekto sa inihaing quoranto petition ni Calida laban sa ABS-CBN sa Korte Suprema ang posibleng pagdalo nito sa pagdinig ng kamara.
Magugunitang, tumanggi si Calida na dumalo sa naunang pagdinig ng Senado hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN dahil anito’y bahagi na ng inihain niyang petisyon ang usaping tinalakay sa mataas na kapulungan ng Kongreso.