Pursigido pa rin ang United Nations Special Rapporteur na maimbestigahan ang mga patayan sa Pilipinas na resulta ng giyera kontra droga ng Duterte administration.
Sa isang panayam, muling nanawagan si Agnes Callamard, UN Special Rapporteur on Extrajudicial sa Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin na ang tatlong kundisyong inilatag nito bago makapasok sa bansa ang mga imbestigador ng United Nations (UN).
Matatandaan na kabilang sa mga kundisyon ng Pangulo ay magkaroon sila ng public debate ng bibisitang UN Rapporteur, karapatang kuwestyonin ang UN Rapporteur at panunumpa ng UN Rapporteur na siya ay magsasabi ng katotohanan.
Ayon kay Callamard, sa ngayon ay maituturing na pinakamalala ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas sa hanay ng mga bansang hindi naman nasasangkot sa giyera.
Muling nagpahayag ng pagkabahala si Callamard sa mga salitang ginagamit ng Pangulo na tila nag uudyok sa mga patayan.
By Len Aguirre