Nilinaw ng CHR o Commission on Human Rights na walang isinasagawang imbestigasyon sa bansa si UN Special Rapporteur Dr. Agnes Callamard.
Ayon kay Atty. Jackie de Guia, Spokesperson ng CHR, dumadalo lamang si Callamard sa isang seminar na pinangunahan ng Free Legal Assistance Group (FLAG).
Ipinaliwanag ni De Guia na hindi puwedeng magsagawa ng imbestigasyon si Callamard sa extrajudicial killings sa bansa kung walang pagsang-ayon ang gobyerno.
Matatandaan na naglatag ng mga kondisyon si Pangulong Rodrigo Duterte bago niya payagang makapag-imbestiga sa EJK ang UN Rapporteur.
“Nasa bansa po ngayon si Ginang Agnes Callamard pero ang primary purpose niya ay pag-attend ng isang seminal ng Free Legal Assistance Group, isa lang po siya sa mangilan-ngilang participant sa seminar na yan. Wala pong nangyaring initial talks (EJK investigation) para magkausap-usap ang lider ng komisyon at ang kanyang grupo, yung pagbisita niya ngayong panahon na ito ay hindi bilang Special Rapporteur na nagsasagawa ng investigation, kailangan talaga muna ng official invitation mula sa awtoridad.” Pahayag ni De Guia
United Nations Human Rights
Samantala, normal lamang ang pagsalang ng Pilipinas sa Universal Periodic Review ng United Nations o UN para ipaliwanag ang human rights record ng bansa.
Ayon kay Atty. Jackie de Guia, Spokesperson ng CHR o Commission on Human Rights, regular na isinagawa ito ng UN tuwing ika-apat na taon.
Sa katunayan, ang rerepasuhin anya sa UN ay ang report na isusumite ng delegasyon ng Pilipinas na pinangungunahan ni Senador Allan Peter Cayetano.
“Isinasagawa ito every four years, hindi lamang magre-report ang gobyerno tungkol sa extrajudicial killings kundi pangkalahatang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa. Tinitignan ng Human Rights Council ang ating assurance sa ating international treaty agreement sa karapatang pantao, kung isinagawa natin ang mga rekomendasyong inihain nila sa atin, at ating mga improvement.” Ani De Guia
Ayon kay De Guia, sa Oktubre ng taong ito ay nakatakda namang magsumite ng sarili nilang report ang CHR hinggil sa estado ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Maliban sa CHR, magsusumite rin anya ng kani-kanilang shadow report ang mga non-government organizations na inaasahang gagawing basehan ng UN sa mga ilalabas nilang obserbasyon at rekomendasyon.
“Yung report namin ay base sa mga naging konsultasyon sa maraming mga grupo at ibang sektor, ang mga NGO ay magsuusmite ng sarili nilang shadow report na magiging basehan ng UN Human Rights Council sa paglalabas nila ng observation report. Binibigyan po tayo ng pagkakataon na magsumite at pakinggan ang ating ihahaing report. ” Dagdag ni De Guia
Matatandaang tumulak na papuntang Geneva, Switzerland ang 16-man delegation ng Pilipinas upang ilatag ang human rights record ng bansa sa UN.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Callamard walang ginagawang EJK investigation sa bansa—CHR was last modified: May 5th, 2017 by DWIZ 882