Nakapagtala na ang Caloocan City ng unang kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan, ang nasabing pasyente na kabilang sa inilabas na unang listahan ng Department of Health (DOH) ay nakaconfine sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City.
Nilinaw naman ni Malapitan na nailagay ng DOH na residente ng Maynila ang nasabing pasyente dahil ginamit nito ang address ng kaniyang anak.
Kaagad namang ipinag-utos ni Malapitan ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.
Pinatitigil na rin pansamantala ni Malapitan ang operasyon ng commercial establishments malapit sa tirahan ng nasabing pasyente.
Muling nanawagan si Malapitan sa mga taga-Caloocan na huwag magpanic at gawin lamang ang proper hygiene para makaiwas sa virus.