Nalampasan ng Caloocan City ang vaccination target nito para sa “Chikiting Bakunation Days” campaign.
Dahil dito, nakatanggap ng Certificate of Recognition ang lungsod mula kay DOH-National Capital Region Director Dr. Gloria Balboa.
Ang naturang kampanya ay inilunsad upang mabakunahan ang mga batang 23 buwang gulang pababa laban sa mga sakit gaya ng polio, hepatitis b, measles, rubella, at mumps.
Ayon sa lokal na pamahalaan, 15,432 na mga bata ang nabakunahan o katumbas ng 101% ng target nito na 15,188.
Idinaos ito mula Mayo 30 hanggang Hunyo 10 sa mga Barangay Health Centers, at nagsagawa rin ang city health workers ng house-to-house vaccinations.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Incumbent Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa mga miyembro ng City Health Department na nanguna sa pagbabakuna sa lungsod.