Magbibigay ng tig-P1,000 ayuda ang pamahalaang lokal ng Caloocan sa lahat ng residente nito sa harap ng krisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa post online, sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan na naglaan ng P500,000 pondo ang lungsod na ipamimigay sa mga residente ng lungsod dahil sa mas pinalawig pang enhanced community quarantine (ECQ).
Dagdag pa ng alkalde, lahat ng residente nito ay makatatanggap ng ayuda na ibabase sa listahan ng household data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Nilinaw naman ni Malapitan na ang naturang ayuda ay magmumula sa lokal na pamahalaan habang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman manggagaling ang social amelioration package (SAP).
Samantala, nakatakdang ipatupad ang programa ngayong Abril makalipas ang pamamahagi ng social amelioration package ng DSWD.