Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang pagbabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga health workers ng lungsod.
Ayon sa Caloocan local government unit (LGU), ang mga health workers na kanilang binakunahan ay mula sa Caloocan City Medical Center.
Mababatid na dalawang brand ng bakuna ang pinagpilian ng mga health workers, ito ay ang AstraZeneca at Sinovac vaccines.
Kasunod nito, nagpasalamat si Caloocan City Mayor Oca Malapitan sa pamahalaang nasyonal para sa bakunang inilaan nito para sa lungsod.
Samantala, tiniyak naman ni Malapitan na oras na dumating sa lungsod ang inorder nitong COVID-19 vaccines na gawa ng AstraZeneca, ay agad aniyang sisimulan ang pagbabakuna sa mga residente nito.