Ipinasara ng Caloocan City government ang isang resort sa lungsod matapos umanong lumabag sa health protocol habang nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Ipinag-utos ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang pagpapasara sa resort na Gubat Sa Ciudad na nasa Barangay Bagumbong matapos mag-viral sa social media ang pagpapapasok nito ng tao kahit nasa MECQ pa ang lungsod.
Sa nag viral na litrato, hindi lamang maraming tao ang makikitang pinapapasok sa resort kundi dagsa rin ang mga naliligo sa isang swimming pool nito.
Matapos ipakandado, ipinag-utos din ni Malapitan ang pagbawi sa business license ng nasabing resort na maaari lamang magbukas sa publiko sa ilalim ng general community quarantine at modified general community quarantine.