Makatatanggap ng tig P500 ayuda ang mahigit 260,000 mga estudyante mula kinder hanggang senior highschool sa Caloocan City.
Ito ang inianunsyo ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan bilang tulong sa bawat pamilya na araw-araw na pinoproblema ang mapagkukunan ng makakain bunsod na rin ng pinaliwig pang enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Malapitan, nakabatay ang listahan ng mga estudyanteng pagkakalooban ng ayuda sa listahan naman ng mga nag-enroll nitong school 2019-2020 mula sa Department of Education-Caloocan.
Kasalukuyan naman aniyang isinasaayos ang listahan at agad ding iaanunsyo ang proseso sa pagkuha ng nabanggit na tulong pinansiyal.
Binigyang diin naman ni Malapitan na ang P500 ayuda sa mga estudyante ay hiwalay pa sa tig P1,000 cash assistance na una nang ipinagkaloob sa bawat pamilya sa lungsod.