Nananatiling lubog sa tubig ang mga bayan ng Calumpit at Hagonoy sa Bulacan, sa kabila ng halos 2 araw nang pagganda ng panahon.
Ayon kay Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado, naiipon lahat sa Calumpit at Hagonoy ang tubig ulan na nagmula sa Nueva Ecija at Pampanga bago ito tumuloy sa Manila Bay.
Sinabi ni Alvarado na dati rati ay nararanasan lamang ito sa 2 bayan ng Bulacan kapag nagpalabas ng tubig ang Bustos Dam at iba pang dam sa Pampanga.
“Kasi ito po ang catch basin wala pong daan ng tubig galing sa North of Bulacan especially Nueva Ecija and Pampanga, nang hindi dadaan sa 2 bayang ito patungo sa Manila Bay at usually kinakailangang malubog ang lahat para mag-crack ang tubig at sipsipin po ng Manila Bay.” Ani Alvarado.
Hinikayat ni Alvarado ang national government na gawin nang water reservoir ang daanang imabakan sa Arayat at Candaba Pampanga.
Bagamat bilyong piso aniya ang kailangang pondo sa ganitong proyekto, mareresolba anya nito ang malawang pagbaha sa Bulacan at makakatulong rin sa irigasyon sa panahong hindi dumarating ang ulan.
“Ang Candaba po is a wide area na kung ito po ay gagawing isang reservoir para pong isang dam, ang tubig po ay mape-preserve dito, magagamit din sa irigasyon during dry season.” Pahayag ni Alvarado.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit